Wednesday, August 15, 2012

RH BILL




Panginoon,

Sinasamba ka po namin at lubos na pinasasalamatan sa In’yo pong walang maliw na pag-ibig sa amin.

Ngayon po ay nalalagay ang Inyong mga abang nilikha sa pagkakahati-hati ng prinsipyo at paniniwala. Alam po namin na hindi po Kayo nalulugod sa aming mga pagtatalo ‘pagkat ang nais po Ninyo, PAG-IBIG ang manaig sa aming mga puso.

Panginoon, lubos kaming humihingi ng Iyong kapatawaran…

Sa usaping aming kinasasadlakan, kami’y walang sapat na batayan ‘pagkat walang nakaaarok sa Inyong kagustuhan.

Ang amin pong mga kapitapitagang aklat sa Agham ay tumatalakay sa kanormalidad ng aming kamunduhan. Subalit, Panginoon, ang katotohana’y wala po kaming alam, yaring mga may-akda ng mga aklat na ito’y pawang tao lamang. O, Panginoon, nawa kami ay mahandugan ng kakayahan upang marinig po namin ang Inyong bulong sa gitna ng ingay ng mundong ito.

Panginoon, mariin po naming pinaniniwalaan na KALIGAYAHAN PO NINYO ANG LUMIKHA NG TAO at WALA PO KAMING KARAPATAN UPANG HADLANGAN ANG INYONG KALIGAYAHAN. Naniniwala po kami na Ikaw po ang Diyos na KAILAN MA’Y ‘DI NAGKAKAMALI. Batid po namin na wala kaming karapatan upang Ika’y aming pangunahan.

Panginoon, Panginoon, patawarin N’yo po kami sa aming pagmamarunong…

D’yos naming lahat, turuanMo po kaming magtimpi sa tawag ng aming mga laman at panatilihin sa aming mga puso ang sarap ng paghihintay na makaharap sa Iyong dambana na sabik sa Inyong pagbabasbas.

Ama, tulungan N’yo po kami na mapaglabanan ang temptasyon ng pakikipagniig sa aming mga kasing kasarian. Walang Imposible sa Iyo! Ikaw ang maghari sa aming mga katawan upang ang aming espiritwal na kalusugan ay mamayani higit sa bayolohikal na komposisyon ng aming mga laman.

Panginoong mahal na mahal namin, hinihiling po namin na pagharian N’yo pong lubos at protektahan ang katawan ng mga ina. S’ya ngang walang imposible sa Inyo! Lubos po kaming naninikluhod sa Inyong pagpapatawad sa mga taong may mga nakahahawang sakit gawa ng pakikipagtalik sa marami. Nagmamakaawa po ang mga aba Ninyong lingkod na sila’y lubusang baguhin sa pamamagitan ng Inyong Banal na Salita. Walang imposible sa In’yo, Panginoon!

Panginoon, liwanagan N’yo po ang kaisipan ng aming mga lider upang sila’y makapagpas’ya ng naaayon sa Iyo. Bigyang diin nawa ang disiplina, maka-Diyos na pagpaplano at moralidad higit sa kapraktikalan.

“Maluwag ang pintuan sa kapahamakan” Hesus, mahal na mahal ka po namin. Akayin Mo po kami kasama Ka ‘pagkat Ikaw ang aming tanging Daan. S’ya ngang tunay na manaig ang Inyong kagustuhan!

Ang pinakahihiling namin, Panginoon, ay magkaroon ng pagkakaisa ang bawat Pilipino. Mamutawi nawa sa aming mga puso ang PAG-IBIG sa isa’t isa. Dahil bago kami’y Ikaw ang nauna…

In Jesus’ Name.

AMEN