Panginoon,
Sinasamba ka po namin at lubos na pinasasalamatan sa In’yo
pong walang maliw na pag-ibig sa amin.
Ngayon po ay nalalagay ang Inyong mga abang nilikha sa
pagkakahati-hati ng prinsipyo at paniniwala. Alam po namin na hindi po Kayo
nalulugod sa aming mga pagtatalo ‘pagkat ang nais po Ninyo, PAG-IBIG ang manaig
sa aming mga puso.
Panginoon, lubos kaming humihingi ng Iyong kapatawaran…
Sa usaping aming kinasasadlakan, kami’y walang sapat na
batayan ‘pagkat walang nakaaarok sa Inyong kagustuhan.
Ang amin pong mga kapitapitagang aklat sa Agham ay
tumatalakay sa kanormalidad ng aming kamunduhan. Subalit, Panginoon, ang
katotohana’y wala po kaming alam, yaring mga may-akda ng mga aklat na ito’y
pawang tao lamang. O, Panginoon, nawa kami ay mahandugan ng kakayahan upang
marinig po namin ang Inyong bulong sa gitna ng ingay ng mundong ito.
Panginoon, mariin po naming pinaniniwalaan na KALIGAYAHAN PO
NINYO ANG LUMIKHA NG TAO at WALA PO KAMING KARAPATAN UPANG HADLANGAN ANG INYONG
KALIGAYAHAN. Naniniwala po kami na Ikaw po ang Diyos na KAILAN MA’Y ‘DI
NAGKAKAMALI. Batid po namin na wala kaming karapatan upang Ika’y aming
pangunahan.
Panginoon, Panginoon, patawarin N’yo po kami sa aming
pagmamarunong…
D’yos naming lahat, turuanMo po kaming magtimpi sa tawag ng
aming mga laman at panatilihin sa aming mga puso ang sarap ng paghihintay na
makaharap sa Iyong dambana na sabik sa Inyong pagbabasbas.
Ama, tulungan N’yo po kami na mapaglabanan ang temptasyon ng
pakikipagniig sa aming mga kasing kasarian. Walang Imposible sa Iyo! Ikaw ang
maghari sa aming mga katawan upang ang aming espiritwal na kalusugan ay
mamayani higit sa bayolohikal na komposisyon ng aming mga laman.
Panginoong mahal na mahal namin, hinihiling po namin na
pagharian N’yo pong lubos at protektahan ang katawan ng mga ina. S’ya ngang
walang imposible sa Inyo! Lubos po kaming naninikluhod sa Inyong pagpapatawad
sa mga taong may mga nakahahawang sakit gawa ng pakikipagtalik sa marami.
Nagmamakaawa po ang mga aba Ninyong lingkod na sila’y lubusang baguhin sa
pamamagitan ng Inyong Banal na Salita. Walang imposible sa In’yo, Panginoon!
Panginoon, liwanagan N’yo po ang kaisipan ng aming mga lider
upang sila’y makapagpas’ya ng naaayon sa Iyo. Bigyang diin nawa ang disiplina,
maka-Diyos na pagpaplano at moralidad higit sa kapraktikalan.
“Maluwag ang pintuan sa kapahamakan” Hesus, mahal na mahal
ka po namin. Akayin Mo po kami kasama Ka ‘pagkat Ikaw ang aming tanging Daan. S’ya
ngang tunay na manaig ang Inyong kagustuhan!
Ang pinakahihiling namin, Panginoon, ay magkaroon ng
pagkakaisa ang bawat Pilipino. Mamutawi nawa sa aming mga puso ang PAG-IBIG sa
isa’t isa. Dahil bago kami’y Ikaw ang nauna…
In Jesus’ Name.
AMEN
No comments:
Post a Comment