Tuesday, July 31, 2012

Ang Atmospera sa Sekondarya

 Nangka High School
 II-Molave
III-Garnet
II-Banaba


Kakaiba..
Iba ang mga behavior. Iba ang simoy ng classroom. Bata pa nga.
Doon namulat sa katotohanan, iba na pala talaga ngayon.
Natantong, iba na pala ang kolehiyo.
May dibisyong naghahati ng kamulatan nilang musmos,
 sa abstrak na pag-iisip ng mga kolehiyo.

Ganun ba kami dati? Siguro nga.
Nang malanghap ko ang paligid, naalala ko ang pampublikong paaralan kong giliw.
Simoy ng pawis ng bawat batang nag-uumpisa pa lamang alalahanin ang sarili.
Takbuhan at unahan na 'di alintana ang kapaligiran.
Oo, tanda ko, ganito rin ang senaryo sa aming alma mater.
Ang dakila kong paaralan sa tinaguruang Art Capital of the Philippines.
Takbuhan, walang pakialam ang mga kabataan. Katawan kong lampa'y laging nababangga.
Kay rami namin.
Nakatatakot ang recess 'pagkat lahat ay nag-uunahan, siksikan.
Yaon nga ang panahong nag-uumpisa pa lang saliksikin ang mundo, ngunit bilang paglalahat ay wala pa ring malay rito.

Sa pagtuturo sa mga estud'yante ng sekondarya, natuwa ng 'di sad'ya. Nagbalik ang mga alaala ng lumipas. Panahong ang lahat ay umaastang animo'y marunong na. Napapangiti...

Naalala ang nagdaan, nang kilos-lalaki pa.  
T-shirt at maluwag na short ang laging suot.
Walang pakialam sa kagandahan basta ang mahalaga'y komportable sa pangangatawan.
Hilig ang maiksing buhok, kilos ay wala sa mood.

Subalit ngayon... Tuwing nagkikita ang dating magkakaeskwela, panay ang asar, babaeng babae na daw. 'Di ito namalayan, subalit natantong kung iisipi'y totoo rin naman...

Tandang-tanda pa rin ang pagsisimba sa San Clemente, pagkatapos ng klase'y magbibihis ng pambahay at maglalakad ng pagkalayu-layo.
'Di nais magsimba ng may kasama, aywan kung bakit.

Sa simbahan, paboritong puwesto'y sa pinakaharap bandang kaliwa, kasama ang mga manang na sila't sila pa rin ang laging nakikita.
Na pagdaka'y magagalit kapag may ibang taong pup'westo sa puwesto nila.
May mga magtsi-tsismisan 'pagkat ubod ng pangit aking kasuotan, na tila ba ito'y malaking kabastusan. Patawad naman, 'pagkat nang mga panahong yao'y wala pa talagang presentableng maisuot.

Tuwing dadalaw si Inay sa aking inuupahang k'warto, sasabog ang bibig at walang hanggang sermon ang aabutin,
"Gusto mo bang magkarayuma?
Wala ka ng ibang ginawa kundi maglakad ng pagkalayu-layo!
Tama na'ng magsimba ka tuwing Linggo!
'Wag naman gabi-gabi!
 Dapat mag-stay ka lang dito! Para kang palaboy! ........"
Naiiyak dati, wari'y walang nakauunawa, subalit ngayon...
Ngayo'y natatawa kapag nagugunita.

High school, nakagigitla kapag naiisip na ganoon pala kami noon.
Nakaka-miss rin. Ang mga kaibigang wala ng ibang ginawa kundi banggitin ang kaliitan ko.
Panahong panay ang asaran at kagutuman.

Lahat ay kumpetitib.
Pinakahihintay ang Buwan ng Wika, Buwan ng Nutrisyon, Buwan ng Agham, at Reading Month.
 Bakit? Dahil ito ang mga panahong ngumingiti ang bulsa tuwing may Poster Making Contest.
 Tuwing may laban, kalimitang walang dalang kagamitan, paano nakaaagpas?
  'Yun ay dahil sa kaawa-awang magiging katabi na maya't maya'y hinihiraman ng gamit...
lapis, panitik, at mga pangkulay...
Pagkatapos ng patimpalak ay nagi-guilty, sasabihing, "Papalitan ko na lang po!" Tila pagpapala ang sagot nilang, "'Wag na, wala iyon!"

Kakaiba..
Iba ang mga behavior. Iba ang simoy ng classroom. Bata pa nga.
Doon namulat sa katotohanan, iba na pala talaga ngayon.

Bumalik tayo sa kasalukuyan...

Nagturo, masayang nagpaka-maestra.
Sa una'y lubhang nagulat, 'pagkat nasanay sa kumplikadong panayam ng pagkakolehiyo.
Ngunit sa kanila'y nararapat lamang na pabagalin ang pagtuturo,
ulitin ang kangina'y tapos ng ituro,
maging maingat sa mga terminolohiya.

Sekswalidad. 'Yan ang paksa na inihatid sa kanila.
Sa kursong narsing sad'yang normal na'ng ito'y talakayin, sa tainga'y lubhang nakabibingi, sa isipa'y nakamamanhid.
Subalit... Iba sila...
Musmos pa nga ang pang-unawa.
Kung gaano kami kamusmos dati ng kami'y nasa yugtong tulad nila.

Mainam maging maingat sa pagtatalakay.

Ingatan ang transisyon ng kanilang pagkatuto...
Gaya ng transisyon ng "iyo at ng aking" pagkatuto...


No comments:

Post a Comment